Bangsamoro Basic Law, lusot na sa Senado
Sa huling araw ng sesyon, lumusot na sa Senado ang panukalamg bangsamoro basic law na layong magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.
Unanimous o 21 Senador ang bumoto sa panukala at walang nag-abstain nang isalang ito sa rollcall vote kaninang ala -1:00 ng madaling araw.
Tanging sina Senador Manny Pacquaio na kasalukuyang nasa gensan at ang nakakulong na si Senador Leila De Lima ang hindi nakaboto.
Ilan sa mga probisyon na binago sa ilalim ng Senate version ay ang wordings ng Bangsamoro territory na ginawang Bangsamoro jurisdiction.
Nilinaw sa probisyon ng Senado na ang bubuuing Bangsamoro government ay hindi hiwalay sa estado at isa lamang itong Autonomous region.
Katunayan kailangang isama ang watawat ng pilipinas at awitin ang lupang hinirang bilang simbolo ng Bangsamoro.
Taliwas rin sa hirit ng Bangsamoro transition commission na hiwalay na Bangsamoro police, magiging bahagi pa rin ito ng Philippine National Police.
Inaprubahan rin ang mga amendments ni Senate minority leader Franklin Drilon kabilang na ang pagtatanggal ng “reserved powers” para sa Bangsamoro autonomous Region at mananatiling ang mga residente Bangsamoro region ay mamamayan ng Republika ng Pilipinas.
Iginiit ni Drilon na malinaw sa Section 17 Article 10 ng Saligang batas na dapat lahat ng kapangyarihan at responsibilidad ay magmumula sa National
government.
Ipinatanggal rin ni Drilon ang probisyon na nagdedeklara sa Palawan
bilang isa sa mga lalawigan na bahagi ng Bangsamoro territory.
Sa unang linggo pa ng Hulyo inaasahang magpapatawag ng Bicameral conference committee para talakayin ang magkakaibang probisyon ng Kamara at Senado.
Ulat ni Meanne Corvera