Oath-taking ng mga bagong abugado kasado na bukas, June 1
Kabuuang 1,719 na bagong mga abogado ang manunumpa bukas, Hunyo 1 sa PICC sa Lungsod ng Pasay.
Kabilang sa mga ito ang mga pumasa sa 2017 Bar exams at maging noong 2016 bar exams na hindi nakapanumpa noong nakaraang taon.
Ayon sa Supreme Court Public Information Office, bagamat 1,724 ang nakapasa na law graduates noong 2017 bar exams, hindi lahat ay makakapanumpa dahil sa ang ilan ay mayroong pending cases.
Ang Oath-taking ceremonies na magsisimula ng alas dos ng hapon ay isang special en banc session ng Korte Suprema na pangungunahan ni Acting Chief Justice Antonio Carpio.
Ang administration of Lawyer’s Oath ay pangungunahan naman ni Supreme Court en banc Clerk of Court Atty. Edgar Aricheta.
Nakatakda ring magtalumpati sa mga bagong abogado si Associate Justice Teresita de Castro na magreretiro sa Oktubre.
Mayroon ding inspirational message si Associate Justice Francis Jardeleza.
Dahil sa special en banc session ang pagtitipon ay ipinagbabawal ng Korte Suprema ang live coverage ng oath-taking.
Una nang nagbabala si 2017 Bar Examinations Committee Chair Justice Lucas Bersamin na papatawan ng direct contempt ang mga bar passers at mga dadalo sa oath-taking na manggugulo o hindi susunod sa decorum ng pagtitipon.
Ulat ni Moira Encina