Pangulong Duterte tatlong araw na bibisita sa South Korea
Magsasagawa ng tatlong araw na official visit si Pangulong Rodrigo Duterte sa South Korea mula June 3 hanggang June 5.
Sa briefing sa Malakanyang, sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Ernesto Abella na ang pagdalaw ng Pangulo sa Korea ay dahil sa imbitasyon ni South Korean President Moon Jae-In.
Ayon kay Abella ang biyahe ng Pangulo sa South Korea ay kauna-unahan simula ng maluklok sa puwesto noong 2016.
Inihayag ni Abella na personal na ipapaabot ng Pangulo kay President Moon ang suporta sa pagkakasundo ng North at South Korea na magpapatatag ng seguridad sa Korean peninsula.
Idinagdag ni Abella na layunin din ng official visit ng Pangulo na patatagin pa ang relasyon ng Pilipinas at South Korea na nagsimula noon pang 1949.
Kaugnay nito apat na kasunduan ang inaasahang lalagdaan sa pagitan ng Plipinas at South Korea na may kinalaman sa Transportasyon, Trade and Investment, Environment at Agriculture.
Ulat ni Vic Somintac