Mga bagong abogado nakapanumpa na… Supreme Court Justice Lucas Bersamin nanawagan na idipensa ng mga abogado ang Hudikatura

Sa harap ng mga pagbatikos sa mga desisyon ng Korte Suprema partikular sa Sereno Quo Warranto case, nanawagan si 2017 Bar Exams Committee Chair Justice Lucas Bersamin sa mga bagong abogado na idipensa ang Hudikatura at mga Mahistrado at Hukom.

Ginawa ni Bersamin ang panawagan sa kanyang talumpati sa oath-taking ng mga bagong abogado.

Ayon kay Bersamin, may pagkakataon na ang mga Mahistrado at Hukom ay tinutuligsa dahil sa pagkadismaya sa mga desisyon nito sa mga kaso.

Sa panig ng Korte Suprema hindi anya nila pwedeng masamain ang pagkadismaya sa kanilang desisyon maliban na lamang kung pinapaliit o niyuyurakan na ang respeto sa institusyon ng mga hukuman at sa Rule of Law.

Nagbabala si Bersamin na kapag naging malawakan ang kawalang-respeto sa mga korte at sa mga desisyon nito ay magdudulot ito ng lawlessness at disorder.

Dahil dito, hinimok ng mahistrado ang mga bagong abogado na pangunahan ang pagtatanggol sa institusyon pabor man o hindi ang mga ito sa mga desisyon ng Hukuman.

Kung hindi anya ito gagawin ng mga abogado ay baka mahuli na ang lahat at dumating ang araw ng anarkiya sa bansa.

Hinimok din ni Bersamin ang mga bagong abogado na itakwil ang mga kapwa abogado na sumasali sa mga panawagan na suwayin at hindi sundin ang mga rulings ng Korte.

Pero nilinaw ni Bersamin na hindi ibig sabihin na hindi na maaring batikusin ng mga abogado ang Supreme Court at ang mga mababang hukuman.

Pero dapat ito ay alinsunod anya sa mga itinakdang Judicial guidelines na dapat nilang konsultahin para hindi maalis ang pribilehiyo nila sa Bar membership.

 

Ulat ni Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *