MOA nilagdaan ng DepEd at BSP ukol sa pagtuturo ng Financial Literacy
Lumagda sa isang Memorandum of Agreement o MOA ang Bangko Sentral ng Pilipinas at Department of Education o DepEd para sa pagtuturo sa mga bata ukol sa kahalagahan ng financial literacy.
Sa panayam ng programang Breakfast on Board sinabi ni Pia Roman-Tayag ng BSP, ginawa nila ang ganitong hakbang para habang bata pa ay matuto na ang mga kabataan na mag-impok at tamang paggamit ng salapi.
Sisimulan aniya ito sa Kinder hanggang Grade 10.
“Ang Bangko Sentral ay matagal nang sinusuportahan ang Financial Literacy para maging maalam ang Pilipinas sa paghawak ng pera, pag-budget, pag-save. maganda ito para sa lahat. Pero kapag sa bata kasi nasimulan ito, mas malaki ang impact. Naki-partner kami sa DepEd, para ma-institutionalize ito sa mga bata”.
Target din ng BSP na mag-train ng mga guro na magtuturo ng financial literacy sa mga bata.
Kailangan aniya na makita din ng mga bata na marunong at pinahahalagahan ng mga guro ang pagkakaroon ng financial literacy.
“Ginawa namin ay magagandang video na makaka-relate ang ating mga kabataan tapos gagamitin yan ng mga teachers natin sa lahat ng Public schools at meron ding teaching guide para basehan nila kung ano ang kahalagahan ng savings”.