IBP, naghain ng apela sa Korte Suprema laban sa ruling nito sa Sereno Quo warranto case

Bagamat hindi partido sa kaso, naghain ng motion for reconsideration sa Korte Suprema ang Integrated Bar of the Philippines laban sa desisyon nito sa Sereno quo warranto case.

Sa 16 na pahinang apela, hiniling ng IBP na baligtarin ng Supreme Court ang ruling nito na nagpapatalsik kay Atty Maria Lourdes Sereno bilang Punong Mahistrado.

Ayon sa IBP, nagkaroon ng excess jurisdiction ang Korte Suprema sa utos nito na palayasin sa pwesto kay Sereno.

Iginiit ng grupo na labag sa Konstitusyon ang quo warranto ruling ng Supreme Court dahil maari lamang alisin ang Chief Justice sa pamamagitan ng impeachment.

Tinawag pa ng IBP na “dangerous precedent” sa jurisprudence ng bansa ang desisyon ng Korte Suprema na paboran ang quo warranto case laban kay Sereno.

Sa desisyon ng Korte Suprema, iginiit na may hurisdiksyon ito sa kaso alinsunod sa Section 5, Article VIII ng Saligang Batas kung saan tinukoy na may orihinal na hurisdiksyon ang Supreme Court sa mga petitions for certiorari, prohibition, quo warranto, mandamus at habeas corpus.

Una nang ibinasura ng SC ang motion to intervene ng IBP para makalahok sa Sereno Quo warranto case.

 

Ulat ni Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *