Korte Suprema isusumite sa COA ang ilang mahahalagang dokumento kaugnay sa biniling service vehicle nito noon para sa napatalsik na si dating CJ Sereno
Susunod ang Korte Suprema sa rekomendasyon ng Commission on Audit at isusumite ang hinihinging mahahalagang dokumento kaugnay ng binili nito noon na service vehicle ng napatalsik na si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Sa harap ito ng Audit Observation Memorandum ng COA na nagsasabing labag sa procurement law ang pagbili ng Supreme Court sa Toyota Land Cruiser ni Sereno.
Sa marginal note ni Acting Chief Justice Antonio Carpio sa nasabing COA memo, iniutos sa Chairperson ng Procurement Planning Committee at sa Dating Chairperson ng Bids and Awards Committee for Goods and Services ng SC na tumalima sa rekomendasyon ng COA.
Ilan sa mga ipinasusumite ay ang batayan sa ginamit na detailed specification ng Toyota Land Cruiser at ang basehan sa paggamit ng presyo ng naturamg luxury vehicle bilang approved budget for the contract.
Gayundin ang detalyadong breakdown ng halaga ng kontrata; certification mula sa pinuno ng BAC Secretariat kaugnay ng paglalathala o pagkakabit ng adverstisement sa mga lugar na kita ng publiko; printout copy ng posting of Notice of Award.
Hinihingi rin ng COA ang Notice to Proceed at Contract of Award sa Philippine Government Electronic Procurement System, purchase request na aprubado ng mga otoridad at ang perfected contract at mga supporting document.
Ulat ni Moira Encina