Office of the Solicitor General hinimok ang SC na pagtibayin ang desisyon nito na nagbabasura sa hirit ni VP Robredo na ituring na valid votes ang 25% o one-fourth shading sa balota
Kinatigan ng Office of the Solicitor General ang desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang hirit ni Vice – President Leni Robredo na ituring na valid votes sa manual recount ang 25% o one-fourth na shading sa balota.
Bilang Tribune of the People, naghain ang OSG ng manifestation and motion para himukin ang Supreme Court na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal na pagtibayin ang ruling nito noong Abril na nagsasabing walang basehan para ibaba sa 25% threshold percentage mula sa 50% ang batayan para sa pagdetermina sa lehitimong boto.
Ayon pa sa OSG, sa ilalim ng Konstitusyon ang PET ang tanging may hurisdiksyon sa pagpapasya at pagbuo ng mga panuntunan
para sa mga presidential at vice-presidential election protests at hindi ang Comelec.
Tinukoy pa ng OSG ang 2010 Rules of the PET na nagsasaad na ang anomang marka o shade na bababa sa 50% ay hindi ikukonsiderang valid votes.
Ipinunto pa ng OSG na ang Comelec Random Manual Audit guidelines na gumagamit sa 25% threshold percentage ay hindi aplikable sa poll protests sa PET dahil magkaiba ang audit at election protests.
Katwiran pa ng OSG hindi magreresulta sa disenfranchisement ng mga botante ang 50% threshold ng PET.
Paulit-ulit din anilang ipinaalala ng Comelec sa publiko na ishadg buo ang ovals sa mga balota para mabilang ito ng makina.
Ulat ni Moira Encina