Lalaki sa India, naka-solve ng higit 2-libong Rubik’s cubes, sa loob ng 24-oras na isang kamay lang ang gamit
Nasungkit ng isang Indian Rubik’s cube master ang isang Guinness World record, matapos niyang ma-solve ang 2,474 na puzzles sa loob ng 24 na oras, na isang kamay lamang ang ginamit.
Sinabi ng 20-anyos na si Krishna Sai mula sa Chennai, India na isinumite niya ang documentation sa Guinness World Records, na nagpapakitang na-solve niya ang 2,474 Rubik’s cubes gamit ang isang kamay lamang sa loob ng 24-oras, na tumalo sa record ng kapwa niya taga-India na si Krishnam Raju Gadiraju na 2,174 cubes noong 2014.
Ayon kay Sai, nagsimula siyang mag-solve ng rubik’s cubes sa tulong ng isang kaibigan noong sya ay bata pa lamang, at naging interesado siyang sumali sa mga kompetisyon noong 2014.
Aniya, ang kaniyang average sa mga competition ay 15-seconds, pero nang minsang nag-solve sya habang nasa bahay ay nagawa niya ito sa loob lang ng 10-segundo kaya naging positibo siya na kaya niyang talunin ang record ni Gadiraju.
Ayon kay Sai sa loob lang ng apat at kalahating oras ay nagawa na niyang ma-solve ang 600 puzzles.
Kasama sa documentation na ipinasa ni Sai sa Guinness ay ang video ng 24-hour event.
==============