Dating Pangulong Noynoy Aquino, nagulat sa kasong isinampa ng NBI sa Ombudsman
Ikinagulat ni dating Pangulong Noynoy Aquino ang pagsasampa ng NBI ng kaso laban sa kanya sa Office of the Ombudsman kaugnay sa paggamit ng savings ng gobyerno para pondohan ang mahigit tatlong bilyong pisong halaga ng kontrobersyal na anti-dengue vaccine na Dengvaxia.
Sa panayam sa DOJ, kinuwestyon ni Aquino ang kawalan ng due process sa imbestigasyon ng NBI.
Pinadalhan lang anya sila ng NBI ng subpoena noong Mayo.
Ayon kay Aquino, pinadalo naman niya ang kanyang mga abogado kung saan hinanapan sila ng kanilang mga ebidensya kaugnay sa bilyong pisong halaga ng Dengvaxia
Pero pagkatapos nito ay wala na anyang sumunod na komunikasyon ang NBI sa kanila hanggang sa nabalitaan na lang nila na nagsampa na ng kaso ang NBI sa Ombudsman.
Wala rin anya silang kopya ng findings ng NBI at kopya ng reklamong isinampa sa Ombudsman.
Gayunman, sinabi ni Aquino na handa niyang harapin ang kaso.
Iginiit ng dating Pangulo na above board ang implementasyon ng mass vaccination program at walang nangyaring technical malversation sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Ulat ni Moira Encina