DILG, hindi sang-ayon na ibalik sa Deped ang pagkakansela ng pasok dahil sa sama ng panahon
Ibinasura ng Department of Interior and Local Government o DILG ang panukalang ibalik sa Department of Education o DepEd ang authority na magdeklara ng walang pasok kapag masama ang panahon.
Ayon kay Interior Undersecretary Epimaco Densing III, hindi pwedeng ibalik sa deped ang desisyon sa class suspension dahil hindi nila alam ang pangyayari sa isang lugar.
Nanindigan ang DILG na hindi ang DepEd kundi ang Local Disaster Risk Reduction Council sa pangunguna ng mga alkalde ang dapat na magdeklara ng suspensyon ng klase.
Ang lokal na pamahalaan aniya ang may mandato na i-monitor ang epekto ng bagyo, baha o posibleng landslide sa isang lugar.
May direktiba sa Local government unit na i-convene ang kanilang Disaster Risk Reduction Management Services para matukoy ang mga lugar na delikadong masira sa gitna ng pag-uulan at kung kailan magdeklara ng class suspension o paglilikas ng mga residente.
Nagpaalala naman si Densing na nahaharap sa reklamo ang lokal na opisyal na bigong magdeklara ng suspensyon ng klase sa tamang oras na dapat ay 4:30 ng madaling araw para sa pang-umagang klase at alas 11:00 ng umaga para sa pang-hapong klase.
=========