Ilang botanteng Ilonggo, hiniling sa Korte Suprema na ituring na valid votes ang 25% shade sa balota sa isinasagawang Manual Recount

Nanawagan na rin sa Korte Suprema na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal ang ilang botante mula sa Iloilo province na ituring na valid votes ang 25% shade sa balota sa isinasagawang manual recount sa boto sa pagka-Bise-Presidente noong 2016 elections.

Ang liham ng pag-apela ng grupo ng mga Ilonggo voters ay inihain sa Supreme Court ng aktres na si Cynthia Patag.

Kalakip ng sulat ay ang 5,500 lagda ng mga botanteng Ilonggo.

Ayon sa grupo, lalabagin ng Korte Suprema ang mandato nito kapag patuloy na ipatupad ang 50% threshold sa Vice-presidential election protest.

Iginiit nila na madi-disenfranchise o mababalewala ang kanilang boto kapag ginamit pa rin ng PET ang 50% threshold sa pagbilang ng mga boto sa manual recount.

Ang lalawigan ng Iloilo ang isa sa tatlong pilot provinces sa poll protest ni dating Senador Bongbong Marcos laban kay Vice-President Leni Robredo.

Una nang iniutos ng PET na suspindehin ang recount sa mga basang balota mula sa Iloilo partikular sa Clustered Precinct No. 22 sa Barangay Puerto Princesa sa Bayan ng Barotac Viejo.

Sa halip ipinagutos ng PET na gamitin na lamang sa pagbibilang ang decrypted image ng balota mula sa nasabing clustered precinct.

pinagpapaliwanag din ng PET ang Municipal Treasurer ng Barotac Viejo kaugnay ng nawawalang minutes of voting at election return mula sa Clustered Precinct Number 29 sa Barangay San Francisco, at ng problema sa selyo at malaking bitak sa ballot box mula sa nasabing lugar.

 

Ulat ni Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *