Milyong sako pa ng NFA rice hindi pa naibababa dahil sa masamang panahon
Prayoridad ng National Food Authority o NFA ngayon ang mga relief institutions, mga local government units lalu na ang mga lalawigang sinalanta ng matinding pagbaha.
Sa panayam ng Radyo Agila kay NFA Spokesperson Rex Estoperez, sinabi niya na kasama rin sa prayoridad mapagkalooban ng NFA rice ang mga nasa marginalized sector kabilang ang mga indigenous people at mga nasa resettlement areas.
Pero sinabi ni Estoperez na hindi ito ang dahilan kung bakit limitado ang suplay ng bigas sa mga pamilihan.
Ayon kay Estoperez , hindi pa naibababa ang mga dumating na bigas sa bansa dahil sa tuluy-tuloy na pananalasa ng habagat.
“Ang Subic for example may 280 libong sakong bigas pa tayo na dapat ibaba, sa NCR naman ay mayroon pang almost a million na dapat ibaba at meron din sa Poro point, meron din sa Regions 4 sa Batangas meron tayong dapat ibaba. Ang problema lang dahil sa masamang panahon hindi tayo nakakapag-operate ng 24 hours”.