Pangulong Duterte, magsasagawa ng Aerial survey sa mga lugar na binaha dulot ng Habagat
Magsasagawa ng aerial survey si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga lugar na sinalanta ng walang puknat na mga pag– ulan nitong weekend dulot ng habagat.
Ito ang sinabi ni Special Assistant to the President Secretary Bong Go kasunod ng personal na ginawang pangangamusta nito kaninang madaling araw sa mga evacuees sa Marikina, Taytay at Quezon city.
Inihayag ni SAP Go na kung gaganda ang panahon ngayong araw, itutuloy ng Pangulong Duterte ang planong matingnan ang lawak ng naapektuhang mga area ng Habagat.
Ayon Kay Secretary Go minomonitor ng Pangulo ang sitwasyon at palagiang humihingi ng update sa tanggapan ng Defense Department at NDRRMC.
Inihayag ni Go pinatitiyak ng Pangulo na makararating ang tulong ng national government sa pamamagitan ng dswd at iba pang concerned government agencies gaya ng DOH.
Panawagan naman ni Go sa mga namumuno ng naapektuhang lugar ng kalamidad, huwag mag-atubiling lumapit sa kanila at magsabi kung anong tulong ang kinakailangan dahil handa ang national government na tumulong.
Ulat ni Vic Somintac