NBI iimbestigahan na rin ang pinakahuling insidente ng drug smuggling sa Manila International Container Port at mga nadiskubreng magnetic lifters na ginamit pagpuslit ng mga droga
Inatasan na ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang NBI na imbestigahan ang pinakahuling insidente ng pagpuslit sa bansa ng bilyun-bilyong pisong halaga ng iligal na droga.
Sinabi ni Guevarra na ipinagutos na niya kay NBI Director Dante Gierran na bumuo ito ng team ng NBi agents para imbestigahan kung paano naipuslit ang droga at maghain ng kaso kung kinakailangan.
Ayon sa kalihim, kasama sa iimbestigahan ng NBI ang lahat ng ahensya ng pamahalaan partikular ang Bureau of Customs, private shippers, brokers, cargo handlers, warehouse men at maging ang ibang law enforcement agents na may kinalaman sa shabu smuggling sa Manila International Container Port.
Kabilang din sa imbestigasyon ang nadiskubreng apat na magnetic lifters sa General Mariano Alvarez, Cavite na wala nang laman at hihinilang ginamit sa smuggling ng shabu.
Katulad ang mga ito ng nasabat ng magnetic lifters na naglalaman ng 500 kilo ng shabu sa MICP noong August 7 na pinaniniwalaang galing sa Taiwan.
Ulat ni Moira Encina