Korte Suprema ibinasura ang hirit ng Banco Filipino na Financial assistance mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas
Hindi pinagbigyan ng Supreme Court ang petisyon ng Banco Filipino Savings and Mortgage Bank na humihiling na baligtarin ang kautusan ng Court of Appeals na humarang sa hirit nila na 25 billion pesos na financial assistance mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas.
Sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Marvic Leonen, ibinasura ng SC Third Division ang hiling ng Banco Filipino dahil sa kawalan ng legal na kapasidad.
Noong July 28, 2011, pinaboran ng CA ang petisyong inihain ng BSP at Monetary Board na kumukwestiyon sa kautusan ng Makati City Regional Trial Court Branch 66 na pumipigil sa kanila na bawiin ang pag-apruba sa business plan at hinihinging financial aid ng Banco Filipino.
Ayon sa BSP at Monetary Board, kinansela nila ang pag-apruba dahil sa pagtanggi ng Banco Filipino na pumayag sa kanilang kondisyon na iaatras nila ang mga kasong inihain nila sa korte kasama na ang 18.8 billion pesos na damage claim.
Ang danyos ay para sa ginawang pagpapasara ng Monetary Board sa Banco Filipino.
Pero sinabi ng Korte Suprema na maari lamang maghain ng kaso ang nagsarang bangko sa pamamagitan ng PDIC na receiver nito.
Dahil wala anilang authorization mula sa PDIC, lumalabas na walang legal standing ang Banco Filipino para maghain ng petisyon.
Ulat ni Moira Encina