Mga Senador naghain ng resolusyon para imbestigahan ang muling paglusot ng 6.8 Bilyong pisong halaga ng shabu sa Customs
Pinaiimbestigahan na ng mga Senador ang panibagong smuggling ng iligal na droga sa Bureau of Customs na nagkakahalaga ng 6.8 billion pesos.
Naghain ng magkahiwalay na resolusyon sina Senador Manny Pacquiao at Antonio Trillanes para paimbestigahan sa Senado kung paano muling naiupuslit ang mga shabu na inilagay sa apat na lifting equipment patungo sa General Mariano Alvarez sa Cavite.
Sa kaniyang resolusyon, kinukwestyon ni Pacquiao kung paano napalusot ang shabu gayong mas pinatindi pa ang giyera kontra droga ng administrasyon.
Tila tuloy rin aniya ang ugnayan ng mga sindikato sa ilang tiwaling opisyal ng Customs kaya naiproseso ang pagpasok ng iligal na droga.
Sinabi ni Pacquaio na kailangang solusyunan ang kawalan ng koordinasyon sa mga ahensya ng pamahalaan na isa sa dahilan bakit naipupuslit ang illegal drugs.
Nauna nang iginiit ng Customs na hindi sila natimbrehan ng PDEA na may papasok na shabu.
Ulat ni Meanne Corvera
Please follow and like us: