OSG, pinababasura sa Korte Suprema na ipatigil ang petisyon sa Boracay closure
Ipinababasura ng Office of the Solicitor General sa Korte Suprema ang petisyon na inihain ng ilang residente at manggagawa sa Boracay na ipahinto ang pagpapasara ng gobyerno sa isla.
Sa komento na inihain ng OSG, hiniling ni Solicitor General Jose Calida na ibasura ng Supreme Court ang petisyon na inihain nina Mark Anthony Zabal at Thiting Jacosalem sa pamamagitan ng National Union of People’s Lawyers Panay chapter dahil sa kawalan ng merito.
Ayon sa OSG, walang nilabag sa Saligang Batas ang proklamasyon ni Pangulong Duterte na nagpapasara pansamantala sa Boracay.
Ang kautusan anya ng Pangulo ay alinsunod sa kapangyarihan nito sa Sections 1 at 17, Article VII ng Konstitusyon para maisaayos ang sewage system at iba pang isyu at problema sa kapaligiran ng Boracay.
Ipinatupad lang din anya ng pangulo ang Philippine Clean Water Act, Solid Waste Management Act, at Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act.
Ulat ni Moira Encina