Malakanyang walang planong magpatupad ng price control sa kabila ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin
Hindi magpapatupad ng price control ang pamahalaan sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sinabi ni Presidential spokesman Harry Roque na mayroong ginagawang hakbang ang gobyerno para mapababa ang inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa.
Ayon kay Roque titiyakin ng pamahalaan na magiging sapat ang supply ng mga pangunahing bilihin kasama na dito ang bigas, karne ng baboy at manok sa pamamagitan ng importasyon.
Inihayag ni Roque na naniniwala ang mga economic managers na law of supply and demand ang paiiralin para bumaba ang presyo kaakibat ng pagpapatupad ng Suggested Retail Price o SRP sa mga pangunahing bilihin.
Kaugnay nito inamin ni Roque na nakakaapekto din sa presyo ng mga pangunahing bilihin ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ulat ni Vic Somintac