Pagpapasabog sa isang highway sa Sultan Kudarat, desperadong hakbang ng BIFF- ayon sa AFP
Mariing kinondena ng Armed Forces of the Philippines o AFP ang nangyaring pagpapasabog sa isang highway sa Isulan, Sultan Kudarat na ikinamatay ng 2 katao at ikinasugat ng 36 na iba pa kabilang ang ilang mga sundalo.
Ayon kay Col. Noel Detoyato, Public Information Office Chief ng AFP, primary suspect nila sa pagpasabog ay ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF.
Sila lang aniya ay may motibo at kakayanan para magsagawa ng nasabing terorismo dahil desperado na umano ang mga ito kaya mga sibilyan na ang tinatarget.
Paliwanag ni Detoyato, nataon lang sa pagpapasabog ang pagdaan ng trak lulan ang mga sundalo at mga sibilyan.
Mabuti na lamang aniya at may blast protection ang trak kaya kakaunti lamang ang bilang ng mga namatay.
Sa harap nito, nanawagan ang AFP official sa publiko na maging mapagmatyag.
“Maging vigilant tayo at i-report natin sa mga otoridad ang any suspicious individual o packages para mapigilan natin ang mga ganitong insidente. Ang kooperasyon ng mamamayan ay lakas ng ating kasundaluhan at kapulisan”.