Mga opisyal ng Agriculture Department, nasermunan sa budget hearing dahil sa pagmahal ng presyo ng bigas pero DA tiniyak na bababa ang presyo ng bigas sa Nobyembre
Nasabon ng mga Senador ang mga opisyal ng Department of Agriculture at National Food Authority sa nangyayaring problema sa kakulangan ng suplay ng bigas.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance sa panukalang budget ng DA sa susunod na taon, kinastigo ni Senador Cynthia Villar si Agriculture Secretary Manny Piñol.
Sa kaniya kasing pagsisiyasat, tinatanggihan ng NFA na bilhin ang mga basang palay ng mga magsasaka at ginagamit ang isyu ng moisture content dahilan kaya kinakailangan pang mag angkat ng suplay ng bigas.
Iginiit ni Villar na maaari namang ang gobyerno na ang gumastos para sa dryer ng palay.
Sa ganitong paraan magkakaroon ng sapat na suplay at magmumura ang presyo nito sa merkado.
Pagtiyak naman ni Piñol, walang kakulangan ng suplay at sinasamantala lang ng ilang tiwaling negosyante ang sitwasyon at nagsagawa ng hoarding.
Nadelay lang ang mga inangkat na bigas at parating na sa mga susunod na araw.
Inaasahan aniya nilang babalik sa normal ang murang presyo ng commercial rice pagpasok ng Nobyembre.
Ulat ni Meanne Corvera