Makati RTC branch 150 hindi na muna nagpalabas ng arrest warrant at HDO laban kay Trillanes kaugnay sa kasong rebelyon laban dito
Walang ipinalabas na arrest warrant at hold departure order ang Makati RTC branch 150 laban kay Senador Antonio Trillanes IV kaugnay sa kasong rebelyon laban dito.
Sa halip, nagpatawag ng pagdinig si Branch 150 Judge Elmo Alameda sa mosyon na inihain ng DOJ sa September 14, Biyernes sa ganap na alas -9:00 ng umaga.
Ayon sa hukom, hindi ito nakumbinsi sa argumento ng DOJ na hindi na dapat magpatawag ng hearing at dapat aksyunan agad ang mosyon nila.
Katwiran ni Alameda, malalabag ang right to due process ng akusado kung hindi muna isasalang sa hearing ang hirit ng DOJ.
Ikinonsidera rin ng Makati RTC Branch 150 ang nakabinbing petisyon ni Trillanes sa Supreme Court laban sa Proclamation 572.
Ulat ni Moira Encina