Pangmatagalang subsidiya sa mga magsasakang nasalanta ni Ompong, inirekomenda ng mga mambabatas
Nanawagan si Senador Grace Poe sa gobyerno na bigyan ng pangmatagalang subsidy ang mga magsasaka na matinding hinagpit ng bagyong Ompong sa Northern Luzon.
Sinabi ni Poe na hindi sapat ang mga ipinamahaging relief goods ng gobyerno na maaaring tumagal ng isa hanggang dalawang linggo.
Ang kailangan aniya ng mga magsasaka ngayon ay seed subsidy para muling makapagtanim matapos wasakin ni Ompong ang ekta-ektaryang mga palayan at mga tanim na mais.
Maari rin aniyang ikunsidera ang pagbibigay ng diskwento sa gasolina para sa kanilang mga traktora at loans na walang interes para agad makapagtanim.
Sa halip na umangkat ng bigas, mahalaga aniya ngayon ang tulong sa mga magsasaka para may maisuplay na pagkain lalo na sa Metro Manila.
Ulat ni Meanne Corvera