Ozamiz City Police Chief Jovie Espenido at dalawang iba pang pulis, inirekomenda ng DOJ na kasuhan ng 6 counts of Homicide kaugnay sa June 1, 2017 raid sa Ozamiz

Pinakakasuhan ng DOJ ng anim na counts ng Homicide si Ozamiz City Police Chief Inspector Jovie Espenido at dalawang iba pang pulis kaugnay sa raid na isinagawa nito noong June 1, 2017 sa isang birthday party kung saan anim ang namatay.

Sa resolusyon ng DOJ, sinabi na ang pag-amin nina Espenido, SPO4 Renato Martir Jr at PO1 Sandra Nadayag na napatay nila ang mga biktima sa isinagawa nilang operasyon ay sapat para makitaan ng probable cause ang krimen ng homicide.

Ibinasura naman ng DOJ ang kasong murder at arbitrary detention laban kina Espenido dahil sa kawalan ng batayan.

Inabswelto din ng DOJ si Police Chief Inspector Glyndo Pujanes dahil hindi ito kasama sa operasyon at dumating lang sa lugar matapos mangyari ang insidente.

Ang mga reklamo laban kay Espenido sa DOJ ay isinampa ni Carmelita Manzano, asawa ng isa sa napatay sa raid na si Fancracio Manzano at ina ng napaslang din na si Jerry Manzano.

Kabilang sa napatay sa nasabing raid sa Brgy Cavinte sina Victorino Mira Jr, Lito Manisan, Romeo Libaton at Alvin Lapeña.

May hiwalay na raid na isinagawa ang grupo ni Espenido sa Brgy Balintawak kung saan tatlo naman ang napatay.

Ang resolusyon ay pirmado ni Assistant State Prosecutor Loverhette Jeffrey Villordon at inaprubahan ni Acting Prosecutor General Richard Anthony Fadullon.

Sa kontra-salaysay nina Espenido, iginiit na sila ay nasa hot pursuit operation laban sa mga suspek sa serye ng pagnanakaw at pamamaslang sa lugar noong June.1,2017 kaya ginagawa lang ang kanilang trabaho.

Paliwanag pa nina Espenido ang mga suspek ang unang nagpaputok ng baril laban sa mga pulis.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, bailable ang kasong homicide kaya pwedeng magpiyansa sina Espenido sa bawat bilang ng homicide laban sa mga ito.

 

Ulat ni Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *