Presidente ng Social Housing Finance Corporation iniimbestigahan ng NBI dahil sa maanomalyang paggamit ng pondo ng ahensya
Pinagpapaliwanag ng NBI ang liderato ng Social Housing Finance Corporation (SHFC) kaugnay ng alegasyon ng maanomalyang paggamit ng pondo ng ahensya sa ilalim ng Housing Urban Development Coordinating Council (HUDCC).
Partikular na kinukwestyon ng NBI ang pangulo ng Social Housing Finance Committee na si Atty. Arnulfo Ricardo Cabling.
Batay sa nakalap na certified true copy ng cash vouchers mula sa SHFC (shafci) ang pagtanggap ng tseke ni Cabling na may halaga na mahigit 2- milyong piso mula sa Amparo Home Owners Association Inc sa Davao.
Ito ay para sa ibinentang lupa ng pamilya ng opisyal na siya mismo ang tumayong administrador ng kanilang lupain habang siya rin ang kasalukuyang pangulo ng SHFC na nasa ilalim ng HUDCC.
Iniimbestigahan din ng NBI si Cabling kaugnay sa pagbuo at paggamit ng malaking pondo ng kanyang tanggapan sa tinatawag na Grassroot Action Team o GSAT nang walang pag-apruba ng board ng SHFC.
Nabatid na ginastusan ng mahigit 1-milyong piso ang 20 miyembro ng GSAT para sa dalawang buwang akomodasyon sa isang hotel sa Makati at plane tickets ng GSAT na aabot ng mahigit 2-milyong piso..
Kabilang sa sinusuri ng NBI Ang posibilidad na paglabag ni Cabling sa mga probisyon ng Anti- Graft law at iba pang kasong administratibo.