Unli importation ng bigas inaprobahan na ni Pangulong Duterte para mapababa ang inflation rate sa bansa
Pinayagan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang unlimited na importasyon ng bigas.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang desisyon ng pangulo sa unli importation ng bigas ay nabuo sa pinakahuling cabinet meeting sa Malakanyang.
Ayon kay Roque naniniwala ang pangulo na ang pagbaha ng supply ng bigas sa merkado ay makakatulong para mapababa ang inflation rate sa bansa at mabawasan din ang presyo ng ilan pang agricultural food products.
Inihayag ni Roque kapag marami ang supply ng bigas na pangunahing pagkain ng mga pinoy bababa ang presyo nito na makakatulong din para mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na idinidikta ng pandaigdigang merkado.
Niliwanag ni Roque kahit sinong negosyante na may puhunan ay malaya ng makakaangkat ng bigas na walang limitasyon basta magbayad lamang ng taripa na magagamit ng gobyerno para tulungan ang mga lokal na magsasaka.
Ang pagtaas ng inflation rate ay dulot ng patuloy na paglobo ng presyo ng mga produktong petrolyo at ang kakulangan ng supply ng bigas nitong nakalipas na mga buwan.
Batay sa record pumalo sa 6.7 percent ang inflation rate sa bansa noong buwan ng setyembre kaya tumaas din ang presyo ng mga pangunahing bilihin kasama na ang pagkain.
Ulat ni Vic Somintac