Ilang aspirante sa pagka-senador, naghain na ng kanilang certificates of candidacy para sa 2019 midterm elections
Kauna unahang naghain ng kanyang COC si Senador Koko Pimentel na muling tatakbo sa 2019 midterm elections sa ilalim ng PDP LABAN.
Kinumpirma na hindi mabubuo ang senatorial slate ng partido at kanya kanyang hain na lang ng COC ang kasama sa kanilang slate.
Kasunod na naghain ng kanyang kandidatura si Freddie Aguilar na naghakot pa ng kanyang mga taga-suporta sa paghahain ng kandidatura.
Susubukan sa unang pagkakataon ng batikang doktor na si Dr. Willie Ong na tatakbo sa ilalim ng LAKAS CMD ang pagsabak sa pagkasenador at kanyang plataporma ang murang medisina para sa lahat.
Muling susubok si dating Bayan Muna representative Neri Colmenares.
Kasama nito sa filing ang mga prominenteng pangalan ng mga militanteng grupo kabilang na si dating DSWD Secretary Judy Taguiwalo.
Kanyang lalabanan ang kontraktwalisasyon at iba pang polisiya ng Duterte administration.
Sa hanay rin ng Liberal Party, nakapaghain ng kanyang kandidatura si Samira Gutuc.
Kanyang isusulong kung papalarin sa senado ang kapakanan ng mga muslim.
Nakapaghain na rin ng kanyang COC si Atty. Dan Roleda na tatakbo sa ilalim ng United Nationalist Alliance o UNA.
Dalawa lang sila ni Senator Nancy Binay sa lineup ng partido.
Hindi naman tinanggap ang COC ni dating Pagsanjan Mayor Abner Afuang dahil sa lumang COC ang nafill up nito.
Subalit sa kinalaunan, tinanggap ng COMELEC ang kanyang aplikasyon makaraang magsumite ng panibago.
Kasama ni Afuang ang mga ka-running mate sa ilalim ng Labor party of the Philippines.
Iginiit ng COMELEC na dapat bagong COC form ang ma-fillup ng mga kandidatong tatakbo sa 2019 midterm elections.
Sa bagong COC form, nakalagay sa tanong kung isang kandidato ba ay may kaso na ang parusa ay may pagkadiskwalipika na humawak ng anumang pwesto sa gobyerno.
Sa likod ng form, maaaring ilista ng mga tatakbo kung mayroon silang nakabinbing kaso sa korte.
Sinabi ni COMELEC Spokesperson James Jimenez na kailangan na masagot ito ng isang kakandidato para na rin sa transparency.
Babala ni Jimemez, maaaring maharap sa perjury ang sinumang naghain ng coc kapag napatunayang nagsinungaling sa pagsagot sa nilalaman ng dokumento.
Ulat ni Jerold Tagbo