JBC pinalawig ang deadline ng aplikasyon sa posisyon ng Chief Justice
Pinalawig ng Judicial and Bar Council ang deadline ng pagsusumite ng aplikasyon at nominasyon para sa posisyon ng Punong Mahistrado na nabakante matapos magretiro si Chief Justice Teresita de Castro.
Ayon sa Supreme Court Public Information Office, mula sa October 15, 2018 iniurong ang deadline ng paghahain ng aplikasyon sa October 26, 2018.
Kaugnay nito, tinanggap na ni Senior Associate Justice Antonio Carpio ang automatic nomination sa kanya sa pwesto bilang isa sa limang most senior na mahistrado ng Korte Suprema.
Ito ang kinumpirma ng Judicial Staff Head ni Carpio na si Atty. Maria Teresa Sibulo.
Si Carpio ang humiling sa JBC na i-extend ang deadline ng aplikasyon para sa mga isusumiteng requirement.
Samantala, tinanggihan naman ni Justice Mariano del Castillo ang automatic nomination sa kanya.
Sa kanyang liham sa JBC, sinabi ni Del Castillo na magreretiro na siya July 29 ng susunod na taon.
Naniniwala si Del Castillo na hindi sapat ang nasabing panahon para magkaroon siya ng notable o katangi-tanging proyekto bilang Chief Justice.
Magiging abala din anya siya pagiging Chairman ng 2018 Bar Examinations.
Una nang tinanggap ni Justices Lucas Bersamin at Diosdado Peralta automatic nomination sa kanila at nagsumite ng aplikasyon sa JBC.
Inaantabayanan na lamang kung tatanggapin o hindi ni Justice Estela Perlas-Bernabe ang otomatikong nominasyon sa kanila bilang Chief Justice.
Ulat ni Moira Encina