Mga Senior Justices na naghain ng aplikasyon para sa pagka- Punong Mahistrado hindi na sasalang sa public interview ng JBC
Hindi na sasalang sa public interview ng Judicial and Bar Council ang mga Senior justices ng Korte Surpema na aplikante sa posisyon ng Punong Mahistrado.
Ayon kay Justice Secretary at JBC ex officio member Menardo Guevarra, bumoto pabor ang mayorya ng JBC sa resolusyon ng Supreme Court en banc na dapat ma-exempt na ang mga senior mahistrado ng Korte Suprema na nag-a-apply bilang Chief Justice sa public interview.
Gayunman, nilinaw ni Guevarra na dadaan naman sa closed-door interview ng JBC ang mga CJ applicants na senior justices.
Kabilang sa exempted sa public interview ang mga mahistrado na mayroon ng limang taon sa Korte Suprema.
Tinalakay anya ng masinsinan ng JBC sa nakalipas na dalawang en banc meetings nito ang nabanggit na resolusyon ng Supreme Court.
Sinabi ni Guevarra na karamihan sa mga JBC members ay naniniwala na dahil dumaan na sa public interview ng JBC nang orihinal na mag-apply sa pagka-associate justice ng Korte Suprema ang mga senior justice ay wala nang anomang mahalaga at kapaki-pakinabang na layunin pa ang muling pagsalang ng mga ito sa public interview.
Ulat ni Meanne Corvera