NDRRMC, masusing nakamonitor sa mga rehiyong posibleng tamaan ng bagyong Rosita
Nakapagsagawa na ng Pre-Disaster Assessment ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) bilang paghahanda sa pagresponde sa mga maaapektuhan ng bagyong Rosita.
Ayon kay NDRMC Spokesperson Director Edgar Posadas, sa ngayon ay nasa sampung (10) lalawigan na ang isinailalim sa tropical cyclone warning signal number 2 at 26 na lugar naman ang nasa signal number 1 kasama ang ncr, at may mga isinailalim na ring lugar sa signal no. 3.
May inilaan na ring 1.3 bilyong pisong pondo ang pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa relief goods at iba pang ayuda.
Partikular aniya nilang minomonitor sa pamamagitan ng bawat Regional Disaster Risk Reduction Management Council (RDRRMC) ang Regions 1, 2, 3 at Cordillera na magiging track ng bagyong Rosita at mga lugar ding dinaanan ng bagyong Ompong.
Ganundin ang mga lalawigang prone sa mga storm surge gaya ng Cagayan, Isabela, Aurora, La Union at mga Ilocos provinces.
Kasabay nito, nagbabala si Posadas sa publiko na huwag ipagwalang-bahala ang babala na kanilang ipalalabas dahil malawak ang sakop ng bagyong Rosita na posibleng magdulot ng mga landslides.
“Sa ating mga kababayan na posibleng masalanta ng bagyong Rosita na magla-landfall sa Cagayan-Isabela area na naapektuhan rin ng bagyong Ompong. Huwag tayong maging kumpiyansa at panatilihin natin ang mataas na lebel ng paghahanda. Tayo ay makinig sa mga kinauukulan at nananawagan dina ko sa mga local government units at sa mga komunidad at mga nakatira sa mga coastal areas na kapag kayo ay pinalikas ay lumikas na kaagad. At ang mga nakatira naman sa mga kabundukan o burol ay maging mapagmatyag at tingnan natin ang mga social media partikular ang NDRRMC social media at andito lamang kami para tulungan ang ating mga kababayang maaapektuhan”.