Karamihan sa mahigit 1,000 pamilyang nagsilikas sa Cagayan, nakauwi na sa kanilang tahanan
Nakauwi na sa kanilang mga tahanan ang karamihan sa mahigit 1,000 pamilyang inilikas sa lalawigan ng Cagayan dahil sa pananalasa ng bagyong Rosita.
Ayon kay Cagayan Governor Manuel Mamba, hindi pa nila pinayagang makauwi ang ibang nagsilikas na naninirahan malapit sa Cagayan river dahil tumataas pa rin ang tubig at hinhintay pa nilang humupa ang alon.
Magkagayunman, nagpapasalamat na rin ang Gobernador dahil walang nawasak na mga bahay at naitalang casualties at kung may mga pananim na nasira ay kakaunti lang naman.
Hindi naman aniya gaanong malakas ang bagyong Rosita kumpara sa bagyong Ompong.
Kasabay nito, muling umapila si Mamba na matutukan ng pamahalaan ang kanilang probinsiya lalu ngayong unti-unti pa silang bumabangon sa nagdaang bagyong Ompong.
“Nagpapasalamat ako sa lahat ng mga tumulong at mga uniformed personnel natin,mga rescuers natin at lahat ng mga tumulong sa atin sa halos 24 oras. Nanawagan din ako sa ating national government na tutukan ang probinsiya namin dahil sunud-sunod ang mga dumaan na kalamidad”.