Katiwalian sa PNP, inaasahang mababawasan kapag ipinatupad na ang wage hike sa mga pulis sa Enero 2019
Umaasa si Senador Panfilo “Ping” Lacson na nababawasan ang katiwalian sa Philippine National Police kapag ipinatupad na ang wage increase sa mga otoridad simula sa Enero ng susunod na taon.
Sa Enero muling itataas ang suweldo ng mga uniformed personnel ng PNP at AFP batay sa inaprubahang resolution ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang taon.
Ayon kay Lacson, doble na ang itinaas sa suweldo ng mga pulis at bumuhos na ang benepisyo sa kanila batay sa pangako ng Pangulo.
Katunayan mula pa lamang sa pagiging kadete hanggang magretiro may nakukuha silang sapat na suporta sa gobyerno kaya wala nang dahilan para magluko lalo na ang mga pulis at masangkot sa mga kaso ng pangongotong o kidnap for ransom.
Sabi ni Lacson nakakalungkot na marami pa ring mga pulis ang dawit sa katiwalian sa kabila ng mataas na benepisyo mula sa gobyerno.
Ulat ni Meanne Corvera