Amerikanong wanted sa mga kasong fraud sa US, arestado ng BI sa Paranaque City
Isang Amerikanong wanted sa patung-patong na kasong fraud sa Estados Unidos ang natimbog ng mga tauhan ng Bureau of Immigration sa Parañaque City.
Ipinagutos ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang pag-aresto sa dayuhang si Harold Leigh Andrews, ochentay-uno anyos dahil sa pagiging overstaying at undesirable alien.
Naaresto si Andrews sa condominium unit nito sa East Bay Residences sa Sucat Road, Parañaque City.
Nabatid ng BI na mahigit limang taon ng nagtatago sa bansa ang pugante at hindi naghain ng extension mula nang dumating sa Pilipinas noong Enero 2013.
Ayon kay BI Intelligence Officer Bobby Raquepo, may arrest warrant na ipinalabas ang grand jury ng Baldwin County sa Alabama laban kay Andrews noon pang December 2013.
Ipapadeport ng BI ang dayuhan pabalik sa US sa oras na makumpleto ang mga kinakailangan clearances.
Inilagay na sa blacklist ng BI ang Amerikano para hindi na makabalik ng Pilipinas.
Ulat ni Moira Encina