Panukala para sa wiretapping laban sa mga sangkot sa droga, kudeta at katiwalian lusot na sa ikalawang pagbasa sa Kamara
Lusot na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang panukalang nagsasama sa ibang mabibigat na krimen sa maaaring i-wire tap.
Ito ay sa ilalim ng house bill 8378 na nag-aamyenda sa Republic Act 4200 o Anti-wiretapping law.
Sa ilalim nito, pwede na ang wiretapping sa kudeta, robbery in band o paglabag sa anti-piracy at anti-highway robbery law, paglabag sa comprehensive dangerous drugs law, katiwalian, syndicated illegal recruitment at money laundering.
Pero kailangang may court order para maisagawa ito ng mga otoridad.
Sa ilalim ng kasalukuyang batas, pinapayagan lamang ang wiretapping base sa court order para sa mga kasong may kaugnayan sa seguridad ng bansa kabilang ng treason, espionage, panunulsol ng giyera, rebelyon at terorismo.
Ipinagbabawal naman ng house bill 8378 sa mga telecommunication entities na magtago ng voice recording na hindi na subject ng kaso.
Ang lalabag dito ay pwedeng makulong ng labing dalawang taon, multang isang milyong piso at habang buhay nang hindi makakapagtrabaho sa gobyerno.
Ulat ni Madelyn Villar