Rekomendasyon para sa suspension ng excise tax sa langis sa susunod na taon aprubado na ni Pangulong Duterte ayon sa Malacañang
Pumayag na si Pangulong Rodrigo Duterte sa rekomendasyon ng kaniyang economic managers na suspendehin ang pagpapataw ng dagdag na 2 pisong excise tax ng mga produktong petrolyo sa susunod na taon.
Sinabi ni Budget Secretary Benjamin Diokno na itinuloy nila ang rekomendasyong ito kahit pa inaasahan nilang may ibababa pa sa presyo ng langis sa international market sa hinaharap o sa mga susunod na buwan.
Ayon kay Diokno nakatanggap sila ng abiso mula kay Executive Secretary Salvador Medialdea na nagsasabing inaprubahan na ni Pangulong Duterte ang kanilang rekomendasyon.
Ayon kay Diokno magandang balita ito dahil makatutulong para maiwasang sumirit pa pataas ang presyo ng mga bilihin.
Hindi naman masabi ni diokno kung hanggang kelan iiral ang suspension ng dagdag na 2 pisong excise tax sa langis dahil depende ito sa lagay ng magiging presyuhan ng langis sa world market at pag aaralan muli ng economic managers ang sitwasyon.
Ulat ni Vic Somintac