Senador Antonio Trillanes, hiniling sa Makati RTC na payagan siyang makabiyahe abroad
Hiniling sa Makati Regional Trial Court Branch 150 si Senador Antonio Trillanes IV na payagan siyang makabiyahe abroad.
Sa kanyang mosyon kay Branch 150 Judge Elmo Alameda, hiniling ng senador na pahintulutan siyang makabyahe sa The Netherlands, Spain, at sa United Kingdom mula December 11, 2018 hanggang January 11, 2019 para dumalo sa ilang aktibidad at pagpupulong sa Amsterdam, Barcelona at London.
Maging sa January 27 hanggang February 10, 2019 sa Estados Unidos para makipagpulong sa mga opisyal ng iba-ibang grupo sa California, Washington DC at Maryland.
Kasamang isinumite ni Trillanes ang certified copy ng travel authorization mula kay Senate President Tito Sotto para sa mga byahe nito sa ibang bansa.
Kaugnay nito, hiniling din ni Trillanes kay Judge Alameda ang “partial lifting” ng Hold Departure order na inisyu ng korte at atasan ang Bureau of Immigration na payagan siyang lumabas at makabalik ng bansa sa mga petsang nakasaad sa kanyang mosyon.
Si Senador Trillanes ay nahaharap sa kasong rebelyon sa Makati RTC Branch 150 at pansamantala lang nakalaya matapos makapagpiyansa.
Ulat ni Moira Encina