Malakanyang, ipinauubaya sa protocol officer ang umano’y paglabag sa Heraldic code ng Pilipinas sa State visit ni President Jinping
Dumistansiya muna ang Malakanyang sa isyu ng umano’y paglabag sa Heraldic Code ng Pilipinas sa flag positioning nitong nagdaang state visit ni Chinese President Xi Jinping.
Sa press briefing sa Malakanyang sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ang protocol officer ang bahalang magpaliwanag.
Ayon kay Panelo nakipag-ugnayan na siya kay Ginoong Robert Borje Protocol Officer ng Malakanyang at sinabing maglalabas ng paliwanag.
Pinupuna kasi ng ilang kritiko ang hindi tamang posisyon sa bandila ng Pilipinas sa ilang events na dinaluhan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping.
Sinasabing dapat ay nasa kaliwa ang bandila ng Pilipinas noong bilateral meeting ng dalawang lider at nasa kanan ang visiting country.
Sa trooping the line sa welcome ceremony kay President Xi Jinping naobserbahan na tanging ang bandila ng China lamang ang nakasunod sa likod ng dalawang lider at hindi kasama ang bandila ng Pilipinas.
Ang isyu sa umanoy paglabag sa Heraldic Code ipinagkibit balikat lamang ito ng Department of Foreign Affairs.
Ulat ni Vic Somintac