Court of Appeals itinigil ang mediation proceeding sa pagitan ng National Housing Authority at sa developer ng Smoke Mountain Project
Itinigil na ng Court of Appeals ang mediation proceedings sa pagitan ng National Housing Authority at sa developer ng kontrobersyal na Smokey Mountain project sa Tondo na R- II Builders (R2).
Sa resolusyon ng CA First Division, iniutos nito na ihinto na ang mediation talks at sa halip ay ituloy na ang pagdinig sa appellate court kung saan submitted for decision na ang kaso.
Ang kautusan ng appellate court ay kasunod ng babala mula sa Office of the Government Corporate Counsel o OGCC na posibleng may anomalya sa 1.1 billion pesos na hinihinging claim ng R-II Builders na developer ng planong pabahay sa Smokey Mountain noong 1993.
Una nang naghayag ng kahandaan ang NHA na magbayad sa developer ng 1.1 billion pesos bukod pa sa limang ektaryang lupain sa Tondo.
Pero kinontra ito ng OGCC dahil lumalabas sa kanilang komputasyon na sobra ng mahigit 300 million pesos ang maibabayad na pera ng taumbayan sa housing developer.
Ang utos ng CA ay ibinaba sa harap ng gulo sa pagitan ng mga opisyal ng unyon ng NHA at mga senior executives nito na nananawagan ng pagpapatalsik kay NHA General Manager Marcelino Escalada na sinasabing kabilang sa grupo ng sinibak na si HUDCC Secretary General Falconi Millar.
Si Millar ay nahaharap na sa reklamong katiwalian matapos na sibakin sa pwesto ni Pangulong Duterte noong nakaraang linggo.
ulat ni Moira Encina