Supreme Court Justice Lucas Bersamin, napiling bagong Punong Mahistrado ng Korte Suprema
May napili na si Pangulong Rodrigo Duterte na bagong Punong Mahistrado ng Korte Suprema.
Ito ay si Associate Justice Lucas Bersamin na nahirang bilang Mahistrado ng Korte Suprema noong 2009.
Siya ang third most senior na mahistrado sa Supreme Court pero siya ang pinakamatagal sa serbisyo sa hudikatura na umabot na sa 32 taon.
Nagsimula si Bersamin sa Hudikatura noong 1986 bilang judge sa Quezon City RTC. Pagkatapos ay naitalaga naman siya sa Court of Appeals noong 2003.
Sasapit siya sa mandatory retirement age na 70 sa October 2019.
Kapatid niya si Dating Congressman Luis Bersamin ng Abra na binaril habang sa labas ng isang simbahan sa Quezon City noong 2006.
Isa sa mga natanggap na parangal ni Bersamin ay ang Chief Justice Jose Abad Santos Award bilang Outstanding RTC Judge noong 2002.
Naging recipient din siya ng Chief Justice Fred Ruzi Castro Memorabilia Commission para sa Best Decision in Civil Law at Best Decision in Criminal Law sa lahat ng RTC judges noong 1999.
Nakatakdang tumanggap si Bersamin ng Gusi Peace International Award. Samantala, itinalaga rin ni Pangulong Rodrigo Duterte si Court of Appeals Associate Justice Rosmarie Carandang bilang bagong Associate Justice ng Korte Suprema.
Si Carandang ang ikatlong most senior Justice ng CA.
Ulat ni Moira Encina