Pagpapataw ng buwis sa Health card premiums, tinutulan ng mga Senador
Inatasan ng Senado ang ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na bawiin ang inilabas na Memorandum circular na nag aatas na papatawan na rin ng buwis ang mga premium sa mga health cards.
Sa Memorandum Circular 50-2018, sinabi ng BIR na ang premium sa mga healthcards ng mga empleyado ay dapat isama sa mga bonuses at benepisyo na tinatanggap ng mga empleado na subject sa 90,000 tax exempt threshold.
Ang kautusan ng BIR ay nakapaloob umano sa implementing rules and regulations ng Republic Act 10963 o Train law.
Pero ayon kay Senador Sonny Angara, chairman ng Senate committee on Ways and Means, iligal at labag sa batas ang Memo Circular ng BIR.
Iginiit ni Angara na nang ipasa ang batas, hindi nakasaad na kasamang bubuwisan ang health benefits at tanging 13th month pay, yearly bonus at productivity incentives na lalagpas sa 9,000 ang dapat lang buwisan ng gobyerno.
Hindi aniya makatarungan na patawan ng buwis ang mga health benefits katunayang nagpasa pa ng batas ang Kongreso para malibre sa pagpapagamot ang lahat ng Filipino sa ilalim ng Universal Health Care.
Iginiit ni Angara na itinaas ng Kongreso ang Tax exemption sa mga manggagawa para tulungan ang bawat pamilyang Filipino sa harap ng mataas na inflation.
Umaapila si Angara na linawin ang isyu lalu’t nalalapit na ang pagbibigay ng bonus ng mga kumpanya sa kanilang mga empleyado.
Ulat ni Meanne Corvera