Traffic crisis act, malabo nang maisabatas ngayong 17th Congress
Bagama’t lusot na sa ikalawang pagbasa ng Kamara, aminado si House Transportation Committee chairman Cesar Sarmiento na malabo nang maisabatas ang panukalang Traffic Crisis Act ngayong 17th Congress.
Ayon kay Sarmiento, wala nang sapat na panahon para mapag-tuunan ng pansin ang House Bill 6425 dahil abala na ang Senado sa paghimay sa panukalang P3.757 trillion 2019 national budget.
Gayundin, panahon na anya ng kampanya sa susunod na taon. Dahil dito’y sinabi ng mambabatas na tatapusin na lamang nila ang trabaho sa Kamara at bahala na ang susunod na Kongreso na ituloy ang naumpisahan sa panukala na naglalayong solusyunan ang problema sa trapiko.
Noong nakaraang linggo lamang naipasa sa plenaryo ang Traffic Crisis Act matapos matengga ng mahigit isang taon.
Dating layon ng panukala na bigyan ng emergency powers si Pangulong Rodrigo Duterte para tapusin ang problema sa trapiko.
Pero sa ilalim ng Traffic Crisis Act, wala nang probisyon ng emergency powers para sa Presidente.
Sa halip ay itinatalaga dito ang kalihim ng Department of Transportation bilang traffic czar na mangangasiwa sa mga tanggapan na may kaugnayan sa traffic at land transport.
Ulat ni Madz Moratillo