Dating DILG Secretary Rafael Alunan, pabor na ibalik at gawing mandatory ang ROTC sa Senior High-school
Pabor si dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Rafael Alunan sa mungkahi ni Pangulong Duterte na ibalik at gawing mandatory ang ROTC sa Senior High-School.
Sa panayam ng Radyo Agila, sinabi ni Alunan, 2017 pa ito nakabinbin sa Kongreso kahit pa sinertipikahang urgent bill ito ng Pangulo pero hanggang ngayon ay hindi pa rin naipapasa.
Paliwanag ni Alunan, kailangang-kailangan ang ROTC bilang reserved pool ng Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil ito dapat ang nagsisilbing pundasyon ng National Defense ng Pilipinas.
Maganda aniya ang training sa ROTC dahil binibigyang-diin dito ang patriotrism o pagmamahal sa bayan at itinuturo rin ang leadership skills.
Bukod dito, itinuturo rin sa ROTC ang iba’t-ibang basic skills gaya ng tamang paghawak ng rifle, paggamit ng radio at driving, how to operate crew-served weapons at iba pang skills na kailangan para sa isang sundalo.
“Dapat yung mga ROTC Graduates ay nagpupunta sa reserved pool ng AFP pero dahil sa nawala sila for so many years eh ang laki na ng butas. Andami-dami ng problema, internal at external ng bansa at kapag di natin pinalakas ang ating AFP dahil ang pinakamalakas sana ng pundasyon ng AFP ay ang ROTC eh walang mangyayari sa ating national defense”.
2001 nang ihinto ang implementasyon ng mandatory ROTC matapos matagpuang patay si UST Student at ROTC member Mark Welson Chua makaraan nitong ibunyag ang umano’y korapsyon sa kaniyang unit.
=============