Katotohanan sa likod ng tunay na kamatayan ni Gat Andres Bonifacio, hindi alam ng nakararaming kabataang Filipino – Atty. Vince Tañada
Marami pa ring mga kabataan ang hindi nakakakilala ng lubusan sa mga sakripisyo at tunay na buhay ni Katipunan supremo at bayaning si Gat Andres Bonifacio.
Ito ang malungkot na katotohanang inilahad ni Atty. Vince Tañada, Presidente ng Philippine Stager foundation Inc. sa programang Edu-Aksyon.
Ayon kay Tañada, layunin at adbokasiya ng kanilang grupo ang maituro sa mga kabataan ang naging tunay na buhay ng mga bayani ng ating bansa.
Aniya, base sa ginawang survey ng SWS noong 2013 sa ika-150 Birth anniversary ni Bonifacio, 65 percent ng mga kabataan ang nagsabing si Bonifacio ay pinatay ng mga Kastila sa digmaan.
15 percent naman ang nagsabing si Bonifacio ay pinatay sa Luneta gaya ng pagpatay kay Dr. Jose Rizal at nasa 20 percent lamang ang nakakaalam ng tunay na dahilan ng pagkakapatay kay Bonifacio.
Paliwanag ni Tañada, si Bonifacio ay pinatay ng ating kapwa Filipino dahil sa ambisyon sa pulitika.
Nakaka-alarma rin aniya ang naging survey na pina-hindi gusto ng mga kabataang Filipino sa panahon ngayon ang Araling Panlipunan subject dahil boring umano ang pag-aaral ng kasaysayan para sa kanila.
“Sa palagay ko ang pinaka- dahilan kung bakit ganyan ay they find history as boring. Kaya nga tayo sa larangan ng sining ay gumagamit ng music, dance at theater para maibalik yung interes ng mga kabataan sa pag-aaral ng kasaysayan”
Samantala, batay din aniya sa kaniyang pagsasaliksik, karamihan sa mga naging tagapagtala ng kasaysayan ng Pilipinas noong unang panahon ay mga American-inspired historian.
Ito marahil ang dahilan kung bakit itinago ng mga ito ang tunay na naging buhay at kamatayan ni Andres Bonifacio dahil ayaw ng mga Amerikano ang mga Filipinong palaban gaya ni Bonifacio.
“Alam naman natin na ayaw ng mga Amerikano ng mga bayaning palaban kaya nga si Dr. Jose Rizal ang itinuring na pambansang bayani dahil sa pagiging martyr nito. Kaya nga hindi masyadong napag-aralan sa mga asignatura ng mga paaralan ang tunay na nangyari sa buhay ni Bonifacio.”.