Pangulong Duterte, naglabas ng kautusan para wakasan ang local communist insurgency sa bansa
Bumuo si Pangulong Rodrigo Duterte ng National Task force na ang mandato ay tuldukan na ang Communist Armed Conflict sa bansa.
Batay sa Executive Order Number 70 na nilagdaan ni Pangulong Duterte iniinstitutionalize ng Pangulo ang Whole Nation Approach Policy para magkaroon ng kapayapaan at tapusin na ang bakbakan sa pagitan ng Gobyerno ng Pilipinas at rebeldeng NPA.
Ayon sa EO, uunahin at aayusin ang pagbibigay ng basic services at social development packages sa mga conflict areas at vulnerable communities sa bansa.
Layon din ng kautusan ng Pangulo na makuha ang partisipasyon ng lahat ng sector para makamit ang peace agenda ng Pamahalaan.
Ang National Task Force ay nasa ilalim ng Office of the President kung saan tatayong Chairman ang Pangulo ng Bansa at Vice-Chairman ang National Security Adviser habang miyembro naman ang iba pang tanggapan ng Pamahalaan kabilang na ang Department of Interior and Local Government, Department of Justice, Department of National Defense, Department of Public Works and Highways, Department of Education, Department of Social Welfare and Development, Presidential Adviser on the Peace Process at maraming iba pa.
Kabilang naman sa magiging kapangyarihan ng nasabing task force ay bumuo ng mga alituntunin sa tulong ng kinauukulang national government agencies at local government units, civil society at iba pang stakeholder ang Whole Nation Approach-Driven National Peace Framework.
Magkakaroon din ng kapangyarihan ang mga local chief executives na magsagawa ng local peace engagements, negotiations at interventions.
Ulat ni Vic Somintac