Dalawang opisyal ng Philippine Children’s Medical center sa isinasangkot sa Dengvaxia controversy, ipina-subpoena ng DOJ
Pinadalhan na ng DOJ panel of prosecutors ng subpoena ang dalawang opisyal ng Philippine Children’s Medical Center na isinasangkot sa pagbili ng kontrobersyal na Dengvaxia vaccines.
Pinahaharap ng panel sa DOJ sina Dr. Raymundo Lo at Dr. Sonia Gonzales ng PCMC sa December 14, 2018 sa ganap na alas dies ng umaga para bigyan ng kopya ng reklamo laban sa mga ito.
Itinakda naman ng panel of prosecutors sa December 28, 2018 ang pagsusumite nina Lo at Gonzales ng kanilang kontra-salaysay at mga ebidensya.
Ang dalawang PCMC officials ay isinama ng Public Attorneys Office sa second batch ng Dengvaxia complaints dahil ang mga ito ang nakalagda sa purchase request noong Enero 2016 para bumili ng mahigit tatlong bilyong piso halaga ng anti-Dengue vaccines.
Nais ng mga magulang na makasuhan din ang dalawa ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide at mga paglabag sa Anti-Torture Act.