Mga DOH hospitals naghahanda na para sa mga fireworks-related injuries ngayong holiday season
Naghahanda na ang mga DOH hospitals para sa mga kaso ng fireworks-related injuries ngayong holiday season.
Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na sinuri na ng kagawaran ang paghahanda ng ilang mga DOH hospitals gaya ng PGH, Ospital ng Tondo at Tondo Medical Center sa paggamot ng mga sugat dulot ng mga paputok.
Ilan sa mga tiningnan ng DOH ay ang manpower ng mga ospital, mga suplay ng gamot at iba pang logistics.
Tiniyak ng kalihim na handa ang mga DOH hospitals sa pagtugon sa mga fireworks-related injuries batay sa kanilang pagiikot sa mga pagamutan.
Kaugnay nito, may karagdagang 10 DOH sentinel hospitals ngayong taon.
Ang mga ito ay ang Don Mariano C. Versoza Hospital, Southern Isabela General Hospital, Manila East Medical Center, Ospital ng Palawan, Iloilo Mission Hospital, Western Visayas Sanitarium, South Cotabato Provincial Hospital, St. Elizabeth Hospital,Inc., Sulu Provincial Hospital at Far North Luzon General Hospital and Training Center.
Hinimok ng DOH ang publiko na agad magtungo at kumonsulta sa pinakamalapit na health facilities sakaling masugatan dahil sa mga paputok para sa tamang paggamot nito at maiwasan ang tetanus.
Patuloy naman ang panawagan ng DOH na ang pinakamainam na paraan upang maiwasan ang mga fireworks-related injuries ay sa pamamagitan ng community fireworks display.
Magsisimula ang monitoring o surveillance ng DOH sa mga masusugatan bunsod ng mga paputok sa December 21, 2018 hanggang January 5, 2019.
Ulat ni Moira Encina