Bureau of Customs, pinagpapaliwanag sa isyu ng pagpasok ng mga basura sa bansa
Pinagpapaliwanag ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel ang Bureau of Customs sa isyu ng mga basurang ipinapasok sa Pilipinas.
Sa harap ito ng nakatakdang pagsasauli ngayong Linggo ng may 6, 500 toneladang basura ng South Korea na nasa Mindanao.
Ayon kay Pimentel, dapat sinusuri munang mabuti ng Customs ang mga kargamento na pumapasok sa Pilipinas kahit pa nakapagbayad ito ng sapat na buwis sa gobyerno.
Ang naturang mga basura ay una nang dumating sa Mindanao International Container port sa Misamis Oriental na naglalaman ng mga used dextrose tubes, diapers, baterya at mga electronic equipment gayong idineklara ng consignee nito ay mga plastic sa paggawa ng mga furniture.
Iginiit ni Pimentel na dapat matagal nang kinasuhan ng Customs ang kumpanya dahil sa mis-declaration ng mga kargamento.
Bukod sa basura ng Sokor, wala pa rin aniyang malinaw na aksyon sa mga basura ring itinapon mula sa Canada noon pang 2013.
Ulat ni Meanne Corvera