Presidential Anti-Corruption Commission, iniimbestigahan ang ilang miyembro ng gabinete ng Pangulong Duterte
Kinupirma ng isa sa mga commissioner ng Presidential Anti-Corruption Commission na iniimbestigahan nila ang ilang miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa usapin ng korapsyon.
Ayon kay Atty. Manuelito Luna ang mga cabinet officials na under investigation ay sina Labor Secretary Silvestre Bello III, TESDA Director General Isidro Lapeña at National Commission on Indigenous People o NCIP chairperson Atty. Leonor Quintayo.
Si Bello ay iniimbestigahan ng PACC dahil sa natanggap na tatlong reklamo mula sa mgamay-ari ng recruitment agency.
Si Lapeña naman ay iniimbestigahan dahil sa pagkakasangkot niya sa pagpupuslit shabu sa bansa mula China na isinilid sa magnetic lifters.
Habang si Atty. Quintayo ay sinisilip rin dahil sa reklamong neglect of duty at akusasyon ng korapsyon sa kanyang pinamumunuang ahensya.
Ayon kay Atty. Luna, nasimulan na nila ang imbestigasyon noong huling bahagi ng 2018 at target nila itong tapusin ngayong Enero hanggang Pebrero.
Sakali mang may makita silang ebidensya ng korapsyon ay agad nilang ipapaabot kay Pangulong Duterte ang kanilang rekomendasyon na suspension o pagsibak sa puwesto.
Tiniyak naman ni Atty. Luna na bibigyan nila ng oportunidad ang mga kalihim na magpaliwanag at depensahan ang kanilang sarili alinsunod sa due process.
Ulat ni Vic Somintac