Dating Chinese government official na wanted sa kurapsyon, arestado ng BI at PACC sa Pasay
Arestado ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Immigration at Presidential Anti-Corruption Commission ang isang dating Chinese government official na wanted sa Beijing dahil sa kurapsyon.
Kinilala ang Tsino na si Xie Haojie, 49 anyos na nahuli sa kanyang condominium unit sa Shell Residences sa Sunrise Drive sa Pasay.
Wanted sa kurapsyon at economic crimes sa Beijing si Xie.
Isa ring undocumented alien si Xie dahil sa ipinawalang bisa na ng China ang pasaporte nito.
Nakatakdang ipadeport ang Tsino na halos isang taon nang nagtatago sa Pilipinas matapos tumakas sa mga kasong kinakaharap sa China.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, ipinabatid sa PACC ng kanilang counterpart sa China ang kaso ni Xie at ito naman ay iniugnay ng ahensya sa BI.
Nagsagawa anya ang BI at PACC ng coordination meeting para mahanap at madakip ang wanted na Chinese.
Nai-turn over na ng dalawang ahensya ang dayuhan sa mga Chinese authorities sa isang seremonya sa tanggapan ng PACC sa Palacio del Gobernador sa Intramuros Maynila.
Ulat ni Moira Encina