Pag-angat ng ranggo ng Pilipinas sa International anti-corruption watchdog, ikinatuwa ng Malakanyang
Ikinatuwa ng Malakanyang ang pag-angat ng ranking ng Pilipinas sa records ng Transparency International’s Corruption Perceptions Index.
Sa 180 mga bansa nasa ika-111 ang Pilipinas nuong 2017 pero nitong 2018, bumaba ito sa ika- 99.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo patunay lang ito na nagbubunga ang pagsisikap ng Administrasyong Duterte kontra korupsiyon at itaguyod ang pagpapanagot sa mga tiwali sa ngalan ng good governance.
Sinabi ni Panelo resulta din ito ng “leadership by example” sa pangunguna mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte at tiyak aniyang mas gaganda pa ang ranking ng Pilipinas sa mga darating na panahon.
Binigyang-diin ni Panelo hindi lamang habol ng pamahalaan na mapaganda ang estado ng Pilipinas sa Transparency International’s Corruption Perceptions Index kundi ang mas mahalaga ay tapusin ang kultura ng iregularidad sa gobyerno.
Magugunitang ang anti corruption ay isa sa campaign promise ni Pangulong Duterte noong kampanya.
Ulat ni Vic Somintac